“Dawal”

Martes, Mayo 17, 2011

“Dawal”

Ang salitang dawal ay ang pagkain ng walang asal sa harap ng hapag-kainan, yung tipong mauubusan ka ng pagkain sa pagmamadali. Ito ay isang paraan ng pagkain kung saan dinadakot ang pagkain sa pamamagitan ng iyong kamay at buong palad mong isusubo sa iyong bunganga habang tumutulo ang laway at nakangiti. Sa isang salita baboy kumain.
Kilala ko si Dawal, nagtitinda siya ng sigarilyo sa pier sa amin sa probinsya. Mestisuhin siya, matangos ang ilong, medyo may katangkaran at masasabing maganda ang pangangatawan. At kapag nagsuot ito ng “sunglass” aakalain mong si Elvis Presley “daw” sabi ng mga tagarito. Kahit hindi naman ako naniniwala. Matagal ko na kasing kilala si Dawal at laging lang may suot na shade si Dawal kasi pikit ang isa niyang mata. Madalas itong nakikipagtalo kung kani-kanino sapagkat mahilig si Dawal makipag-alaskahan. Nakalakihan niya na ito at dito na umiikot ang kanyang mundo. Nakapagasawa si Dawal ng isang tindera sa pier at sinama niya sa kanyang tahanan malapit sa amin. Simula noon lagi ko ng nakita si Dawal sa lugar namin. Madalas nitong kinukulit ang nagtitinda ng ice drop sa lugar namin dahil banlag o duling. Hindi ko sigurado kasi mahirap titigan ang mga mata nito eh. Pero malamang duling, kasi dulinghoy ang tawag ni Dawal rito.
“Dulinghoy minsan tawag ni Dawal sa nagtitinda ng icedrop.”
“Bakit pikit sagot nito”
“Pabili ako ng icedrop mo, mamaya ko na babayaran kapag nakabenta na ko.”
“Ayaw ko nga, mamaya ka na lang bumili kapag nakabenta ka na.”
“Sige pag di mo pinagbilhan ipagkakalat kong may ipis yang tinitinda mo.”
“Loko ka, wala namang ipis itong tinitinda ko eh.”
Nagkakatitigan sila ng sakto namang may dumating na bata at bumili ng icedrop.
“Mama pabili naman ako wika nito habang pasilip-silip pa sa tinitindang icedrop ni Duling.”
“Sige kuha ka na sagot ni Duling sa bata”.
Habang padampot na ang bata sa lalagyan ni Duling. Nagkunyaring binangga ni Dawal yung bata hanggang matumba ito at umiyak. Tawa ng tawa si Dawal at hindi man lang tinulungan ang bata. Kaya itinayo ito ni Duling. Habang inaasikaso ni Duling yun bata pasimple namang naglagay ng ipis si Dawal sa lalagyanan ng icedrop ni Duling. At nang tumahan na ang bata umakto itong kukuha ng icedrop sa lalagyan ni Duling. At laking gulat ng bata ng makakita ng tatlong ipis na naguunahang gumapang sa mga icedrop ni duling. Nataranta si Duling habang ang bata naman ay diring diri na tumakbo. Pangiti-ngiti naman si Dawal kaya tinanong niya ito kung paano daw nagkaipis sa lalagyanan niya.
Ngumiti lang si Dawal at sumagot ng, “malay ko baka may ipis na talaga diyan sa lalagyanan mo. Kadiri ka talaga dulinghoy ka”.
Pagkarinig nito ay biglang namula sa galit si Duling at sinuntok si Dawal sa mukha. “Wala namang ipis yun kanina ah. Siguro nilagyan mo noh”, bintang niya kay Dawal.
Tumba si Dawal pagkatama ng suntok rito at dugo ang nguso. Nakangiti pa rin ito habang hawak ang ngusong tinamaan ni dulinghoy.
“Wag ka ngang magbintang diyan. Baka yung bata ang naglagay hindi mo lang alam. Saka may katibayan ka bang ako ang naglagay ng ipis diyan paliwanag nito.”
Natahimik si Dulinghoy alam niyang nagkamali siya at naging padalos-dalos hihingi na sana siya ng paumanhin kay Dawal ng dumating ang mga tanod.
“Anong kaguluhan ito? Wika ng isa sa tatlong tanod na rumoronda”
“Wala ito sir sagot ni Dawal. Nagkakatuwaan lang kami ni Dulinghoy, di ba Duling?”
“Eh bakit putok yang nguso mo ha Dawal? Basta pagnandito ka sigurado away lang ang aabutan namin eh. Ungos ng mamang matabang tanod.”
“Sige tanungin niyo na lang po si Dulinghoy dagdag pa ni Dawal.”
Tumango tango lang si Duling at nakumbinsi naman ang mga tanod. Parang wala pa rin sa sarili si Duling ng umalis ang mga ito. Hindi niya pansin na kumukuha na ng ice drop si Dawal sa lalagyanan niya.

“Kailan mo ko babayaran?” wika ni Dawal.
“Anong bayad?” sagot niya.
“Bayad dito sa nguso ko. Tingnan mo pa, masakit yan kala mo ba. Wala ng libre ngayon noh, o gusto mong magpabaranggay ako at kumalat na may ipis sa lalagyanan mo Dulinghoy”. Paliwanag ni Dawal habang kabila kabila ang sipsip sa icedrop na nakuha kay Dulinghoy.
Naintindihan naman ni Dulinghoy ang ibig sabihin ni Dawal. “Magkano ba?”, tanong niya rito.
“Sige isang daang piso na lang, magkaibigan naman tayo eh.” Habang pangisi-ngisi pa si Dawal habang nagsasalita at abala sa pagkain ng icedrop.
“Sige mamaya pagnakabenta na ko, gago!”
Pagkarinig nun umalis na si Dawal. Kumita na naman ito. Ganun si Dawal, nang-aasar ng tao para mapikon at saktan siya at magpapabayad na lang. Wala itong pake kahit magulpi basta’t may bayad. Habang naglalakad si Dawal tumingin ito sa akin, malamang alam niya na nakita ko ang ginawa niya. Ngumiti ito sa akin at sumigaw ng kaibigan sabay taas ng icedrop sa kanyang kamay. Kumaway na lang din ako sa kanya at dumiretso sa tindahan para bumili ng toyo. Inuutusan lang kasi ako ng asawa kong bumili ng toyo sa tindahan ng madaanan ko si Dawal. Kagagaling lang namin sa maynila ng misis ko, at balak namin dito muna sa probinsya hangga’t hindi pa siya nanganganak. Tatlong buwan na lang at magla-“labor” na ang misis ko. Pinapalangin ko lang na malusog na bata ang kanyang isilang. Unang anak namin kaya todo ingat kaming magasawa kaya inuwi ko siya rito sa probinsya para malayo sa polusyon at “stress” ng mundo.
Habang nasa hapag kainan naikwento ko ang nangyari kanina habang kumakain sa aking ama. Ngumiti lang ito at nagsabi na iwasan ko na daw si Dawal sapagkat nagbago na ito. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng ama ko. Pero parang ibang Dawal nga ang nakita ko kanina. Malayong malayo sa kaibigan ko noong bata. Habang inaalala ko ang mga nakaraan namin ni Dawal biglang nagsalita ang aking ama.
“Iwasan mo si Dawal kung ayaw mong magbayad sa kanya”, wika nito. “Sigurado akong misis mo ang pupuntiryahin ni Dawal para maasar ka sa kanya at saktan mo siya at sa huli magbayad ka sa kanya.”
Pagkarinig nun parang naintindihan ko na ang ibig sabihin ng akin ama. Nagkatinginan kami ng misis ko. Sigurado naman akong hindi papatulan ng misis ko si Dawal may tiwala ako sa misis ko. Alam kong mahal niya ko at mahal ko siya. Ang wala akong tiwala eh sa sarili ko.
Nagpatuloy pa ang aking ama sa pagkukuwento.
“Naalala mo si Julius yung anak ni mang Kanor, wika nito. Kababata mo rin yun di ba, yun ang laging kainuman ni Dawal, tapos kapag lasing na sila, eh bigla ba namang aasarin si Julius na bakla dahil wala pa daw itong asawa. Siyempre sa galit nitong si Julius, gugulpihin ngayon si Dawal. Si Dawal naman hindi gumaganti at nagpapagulpi naman at kinaumagahan sa Barangay na sila maghaharap. Dahil si Dawal ay kapatid ni kapitan aaregluhin naman kaso magbabayad nga lang si Julius kay Dawal, depende kung gaano kalaking pinsala ang tinamo ni Dawal.”
Panay pa rin ang subo ko ng kanin na may ulam na adobong manok habang nakikinig sa ama ko ng biglang nagtanong ang misis ko.
 “Tay di ba’t sabi niyo ay kapatid ni Dawal ang kapitan. Bakit parang walang trabaho itong si Dawal? Wala ba itong asawa?”
“Meron naman iha, nakatira sila ng asawa niya dun malapit sa may ilog. Doon sila nakatira kasi napabayaan na itong si Dawal ng pamilya nila. Dahil pariwara daw, tinaboy na ito ng pamilya nila bago mamatay ang kanilang mga magulang. Sabi daw kasi si Dawal ang dahilan ng pagkamatay ng kanilang mga magulang.” 
Nasa ganun kaming tagpo ng dumating ang aking ina.
 “O kain na rito nay wika ko. Nauna na kami kasi’t masama kay Elsa ang malipasan ng gutom.”
Ngumiti lang ang aking ina sabay tumabi sa aking ama at pumuwestong kakain.
“Ano bang pinaguusapan niyo ha at parang seryoso kayo masyado? At ikaw Elsa kain ng kain ha ng tumaba ka.”  
“Si nanay naman mataba na nga po ako eh. Saka mahina po talaga akong kumain.”
“Oo nga naman nay hayaan lang natin si Elsa sa pagkain niya, masama rin sa katawan ang sobrang busog gatol ko.”
“Asus ko nagtulungan pa itong magasawa. O siya siya, kayong bahala at malalaki na kayo. Ingatan lang ang katawan ng hindi magkasakit makakasama sa bata yun.”
“Opo nay”, wika ni Elsa.
“O ano ngang pinaguusapan niyo ulit kanina bago ako dumating.”
Sumagot naman ang aking ama,
“Si Dawal ang pinaguusapan namin kanina bago ka dumating nakita kasi nitong si Carlo natin si Dawal malapit sa tindahan. Kaya nagtanong tungkol dito, kaya’t ang sabi ko ay iwasan na lang si Dawal. Mas mabuti na ang ganun kesa may mangyari pang hindi maganda.”
Natahimik kaming lahat ng mga ilang saglit bago nagsalita muli ang aking ina.
“Hindi naman ganun siguro kasama talaga si Dawal baka may problema lang kaya ganun siya. Alam naman nating naging mahirap ang buhay ng batang yun matapos ipagtabuyan ng pamilya nila. Hindi rin natin siya masisisi”.
Dama ko ang simpatiya ng aking ina kay Dawal, muli ko tuloy naalala ang aming kabataan ni Dawal at ng iba naming mga kaibigan. Subalit nakalipas na iyon at mukhang hindi na yun naalala ni Dawal. Napahawak ang asawa ko sa aking kamay nararamdaman niyang malalim ang iniisip ko. Ngumiti lang ako sa kanya at niyaya ko na siyang tumayo sa lamesa.
“Nay, tay papanhik na muna kami sa taas ng makapagbasabasa muna, paalam ko sa aking mga magulang.”
“Sige lang iho, kami ng bahala rito ng tatay mo sagot ng aking ina.”
Pagdating sa kwarto humiga na ako sa kama at bumuntunghininga. Natawa ang misis ko sa akin.
“Bakit ka tumatawa?”
“Apektado ka kay Dawal noh? Aminin mo na. Hindi ka naniniwala na masama talaga si Dawal”, urirat nito sa akin.
Gusto kong sagutin ang asawa ko tungkol sa tanong niya, pero mas maigi na lang na hindi.
“Basta sundin na lang natin ang tatay mahal, mas mabuti na yun”, sagot ko sa kanya.
At lumipas ang ilang linggo lagi ngang napapaaway si Dawal, siguro naka-anim na itong away at gulpi mula ng dumating kami dito ng misis ko. Nakakatawa pero mukhang yun na nga ang hanapbuhay ni Dawal. Naggigitara ako sa labas ng aming bahay ng makita ko si Dawal na tumatakbo at hinahabol ng itak ng tatay ko. Sumisigaw ang tatay ko na awatin ko daw si Dawal at nagnakaw daw ito ng isang piling na saging sa amin. Pero nginitian lang ako ni Dawal at tuloy tuloy na tumakbo, kumaway pa ito sa akin ng makalayo. Kumaway din naman ako, hindi ko alam kung bakit pero mukhang nakasanayan ko ng kumaway kay Dawal. Humihingal ang aking tatay ng makalapit sa akin.
“Bakit di mo inawat si Dawal”, tanong nito sa akin habang habol ang hininga.
“Eh tay kala ko sabi mo iwasan ko si Dawal, pamimilosopo ko. Kaya ayon iniwasan ko.”
“Loko kang bata ka gusto mong itakin kita ha! Bumabalik na naman yang ugali mong pilosopo ah.”
“Si tatay naman hindi na mabiro. Saka isang piling ng saging lang yun tay, hayaan mo na si Dawal baka wala talaga siya ngayong delihensya.”
Inis na inis ang tatay ko sakin. Parang gusto nga niya akong itakin ng mga oras na yun. Nagpapadyak pa ito sa gigil. Natutuwa naman ako sa pagkakataong  yun. Matagal ko na rin hindi naramdaman yung may nabirong tao. Iyon siguro ang dahilan kung bakit lagi kong kinakawayan si Dawal. Alam kong biro lang yun sa kanya. At saka sa pagkakatanda ko ganun kami magpaalaman ni Dawal nung mga bata pa.
“Anong nginingiti mo dyan damuho ka”, inis na wika ng tatay ko sakin.
Pagkarinig nun muli akong natauhan. “Wala po tay wag na kayong magalit, umiiwas lang po ako sa gulo eh”.
“Anong umiiwas ikaw nga tong panay basag ulo lang ang alam sa buhay nung bata. Tapos sasabihan mo ko ng umiiwas. Iitakin kita talaga diyan.”
Doon na talaga ako natawa, inambahan pa ko ng tatay talaga. Sakto namang dumating ang aking asawa.
“Tay wag naman po. Kawawa naman po ang magiging anak namin kung iitakin niyo si Carlo. Palahaw ng asawa ko.”
“Hay naku, Carlo, Carlo. Maiitak kita talaga eh, ungos ng tatay bago siya pumasok sa loob.”
Pag-alis ng tatay lalo kong nilakasan ang tawa ko. Hindi ko na mapigilan. Pinagpapalo naman ako ng asawa ko ng walis niyang hawak.
“Aray ko naman Elsa. Bakit ka ba namamalo?”
“Nakita mo ng galit ang tatay sayo, tawa ka pa ng tawa diyan, eh kung initak ka nun talaga. Anong gagawin mo? Aber mr. superman?”
“Ito naman  si Elsa masyadong nag-aalala, hindi ako iitakin ng tatay nagbibiro lang yun. Saka hindi mo ba nakita baligtad yung pagkahawak ni tatay ng itak. Nasa kabila yung talim”.
“Ah kaya ka natatawa kasi baligtad yung itak ni tatay ha. Sabay palo pa rin sakin ng walis sa ulo”.
“Aray ko naman Elsa, ang sakit naman nun. Hindi yun ang kinakatawa ko, si tatay kasi kanina gustong awatin ko si Dawal kasi ninakawan siya ng saging kaya hinahabol niya ng itak. Alam mo yung parang sa pelikula na habulan, parang medyo madadapa pa nga si tatay eh. Tapos nung nadapa naman si Dawal, nadapa naman si tatay. Sa inis ni tatay hinugot yung itak tapos sinigawan ako. Pigilin ko daw, pagdumaan sa harap ko. Kaso di ko naman napigilan, galit na galit si tatay sakin. Iitakin niya daw ako kaya natawa ako
“Anong nakakatawa dun ha?”
Dinamihan niya yung palo sakin ng walis habang panay naman ang iwas ko.
“Ang nakakatawa dun pagnagagalit kasi sakin si tatay hindi niya ako kinakausap kahit papaano pala hindi pa rin ako kayang saktan ng tatay kahit galit na galit na siya.”
Tumigil si Elsa pagkarinig sa kwento ko. Pero sandali lang yun at pinagpapalo na naman ako ulit.
“Ah ganun pala ha, kala mo abswelto ka na kanina ako ngayon ang mananakit sayo, pinatakas mo si Dawal ha.”
At nakaranas ako ng gulping palo sa aking asawa dahil tinawanan ko ang tatay ko kanina. Masaya talaga ang buhay naisip ko.
Kinaumagahan nakita kong patay na ang aso naming si blackie. Kaya inilibing ko ito sa likod ng aming bakuran. Sakto namang dumaan si Dawal sa amin.
“Carlo ano yan, tanong nito.”
“Ah yung aso namin namatay kanina nilibing ko lang, sagot ko.”
“Ganun ba  anong kinamatay niyan, sa sakit ba?”
“Hindi ko alam malakas pa naman ito kahapon eh, baka na-vetsin to ng mga tambay diyan sa kanto kahapon, pinakawalan ko kasi. Tapos ng makabalik nanghihina na.”
“Sige Carlo alis muna ako, may pupuntahan lang ako saglit. Pero gusto mo inuman tayo sa bahay namin. Akong taya, para makilala mo naman ang misis ko.”
Tatanggi sana ako kaso nahiya naman akong tanggihan ang isang dating kaibigan. Kahit papano marami pa rin kaming pinagsamahan ni Dawal. Kaya’t sige na lang ang naisagot ko.
“Mamayang gabi Carlo kita tayo sa may ilog malapit na dun ang bahay ko”, wika niya.
“Sige mamayang ala-sais ng gabi kita tayo”, sagot ko.

Kinagabihan nasa bahay na ako ni Dawal. Hindi na ko nagpaalam sa misis ko, sabi ko pupunta akong perya at magbabakasali sa beto-beto. Natawa lang siya sa paliwanag ko. Biniro pa ko na paghindi ako umuwi ng tama sa oras wag na raw akong umuwi.
“Dami mo pang alam na dahilan mag-iinom ka lang naman eh”, pahabol na banat pa nito sakin.
Maliit na kubo lang ang bahay nila Dawal at dalawa lang sila ng misis niyang si Dolor. Nakagayak na ko sa hapag kainan para kumain ng hapunan habang abala naman si Dawal at Dolor sa paghahanda ng pagkain at iinumin namin mamaya.
“O bakit tahimik ka Carlo?” tanong ni Dawal sa akin habang kumakain kami.
“Wala naman naisip ko lang misis ko”, ang mahinahon kong sagot.
Ngumiti lang si Dawal sa akin tapos nagyaya ng kumain.
Kalderetang aso ang ulam namin masarap naman at saktong sakto ang lasa kahit hindi ako mahilig sa aso kahit papano alam ko pa rin kung masarap o hindi.
“Masarap ito pare”, sabi ko ikaw ba nagluto?
“Oo ako nga”, wika ni Dawal.
“Pare baka may mga lumang damit yung misis mo, bigay mo na lang sa akin ireregalo ko sa misis ko.” Patuloy ni Dawal.
Tinitigan ko si Dolor lumang luma nga ang damit nito, at kahit mukhang bagong ligo ay parang hindi naman nagpalit ng damit. Kung tutuusin maganda si Dolor mestisahin at medyo may kapayatan, medyo singkit ang mga mata at may pagkachinita. Hindi lang ito nagaayos sa katawan.
“Sige pare kunin mo na lang sa bahay bukas ipapahanda ko sa misis ko”, wika ko.
Pagkasabi ko nun napangiti si Dolor. Nang makita ko ang kanyang ngiti may halo itong lungkot. Naisip ko kahit papano medyo masuwerte pa rin kami ng misis ko. Kami kasi may nalulumang damit na nakatago, sa tantya ko kasi walang nalulumang damit kina Dawal dahil lagi nila itong suot.
Nasa kalagitnaan na kami ng inuman at medyo masaya na ang kwentuhan, dahil sa tama ng alak. Nang makaramdam akong kailangan kong umihi. Kaya nagpaalam akong lumabas at umihi sa kanilang bakuran. Habang umiihi may napansin akong ulo ng aso, naisip ko dito lang pala nilagay ni Dawal yung ulo ng aso para ilibing siguro bukas. Pero laking gulat ko ng mapansin ko na ang ulo ng aso ay yung ulo ng aso kong si Blackie. Halos masuka ako sa pandidiri. Kaya ang  ginawa ko kinuha ko yung ulo ng aso kahit naduduwal na ko at nilagay sa harap ng pinto nila Dawal para malaman niya na nalaman kong hinukay niya yung aso kong namatay at pinakain sakin. Tapos nun takbo ako pauwi deretso agad ako sa banyo, baliktad ang sikmura ko. Gusto kong isuka lahat ng kinain ko. Nilibing ko na yun pero nakain ko pa. Tang ina ka talaga Dawal yun ang naglalaro sa isip. Iyon na yata ang pinakanakakainis na trip na naranasan ko.
Kinabukasan suka at tae ako hanggan sa mga oras na iyon parang nalalasahan ko pa ang aso ko. Nagtataka na yung asawa ko, kala niya naglilihi ako. Akala tuloy may babae akong nabuntis at ako ang naglilihi para dito. Hindi tuloy ako pinapansin, badtrip talaga tong si Dawal naisip ko. Pagdating ng hapon lumabas ako ng bahay para bumili ng makakain kahit ano lang ang nasa isip ko, basta makalimutan ko lang yung lasa ng aso ko. Malapit na ko sa tindahan ng makita ko si Dawal. Lumapit ito sa akin nakangiti pa, nag-init agad ang ulo ko. Kaya ng makalapit siya sinuntok ko agad. Eh ano kung magbayad may siyete pesos naman ako ditong hawak. Pwede na siguro kay Dawal yun naisip ko. Tumba si Dawal pagtama ng suntok ko, at sa tindi ng sama ng loob ko napagsalitaan ko pa siya.
“Pare tinuring kitang kaibigan, bakit mo naman ako tinarantado ng ganun?” wika ko.
Nakaupo sa lansangan si Dawal habang hawak ang nguso niya. Malungkot ito pagkarinig sa sinabi ko.  Hindi ko alam kung nasaktan siya sa suntok, pero malamang mas nasaktan to sa sinabi ko. Dudukot na ko ng pera para ibayad sa kanya kasi marami ng tao sa paligid, pero tumayo si Dawal at ngumiti sakin.
“Pare birthday ko ngayon, salubong sana natin kagabi yun eh. O wag ka ng magbayad pa-birthday ko na sayo yun”, wika nito sakin.
Magpapaliwanag pa sana si Dawal pero tinalikuran ko na, pakiramdam ko hindi pa kaya ng utak kong tanggapin ang rason niya kung meron man. Parang hindi pa halos maiintidihan ng pag-iisip ko kung ano mang rason ang kanyang ipapaliwanag. Katulad din ng tiyan kong halos ayaw tanggapin ang namatay kong aso pagkatapos kong kainin kaya pilit kong isinusuka.
Kinahapunan dumaan si Dolor sa bahay, akala ko hihingi ng dispensa sa nangyari nung isang gabi o baka maniningil sa ginawa ko kanina, naisip ko patay ako. Pero pagkakita pa lang ng nanay ko kay Dolor binigyan agad ito ng damit yun pala ang pinunta nito samin. Kaya ang ginawa ko, binigyan ko din ng damit si Dolor, ayos abswelto. Binigay ko yung mga damit ng misis ko, pati na rin yung mga damit kong hindi na ginagamit kaya’t masayang masaya si Dolor pag-alis. At ng makita ko ang ngiti niya gumaan na rin ang pakiramdam ko tapos biglang nagsalita ang asawa ko, “Nay bakit parang hindi nagpapalit ng damit yun. Wala bang damit yun si Dolor?”
“Wala nga anak, hindi kasi sila naglalaba dahil wala silang pambiling sabon ni Dawal. Kaya nanghihingi na lang ng damit kapag madumi na talaga yung mga damit nila. Kasi tinatapon na nila yung mga luma nilang damit”, sagot ng nanay ko.
Kinaumagahan ang sarap ng tulog ko. Hindi ko namalayan ang oras hanggang umaga na. Kaya paggising ko kinaumagahan nagtimpla ako ng kape at lumabas ng tahanan upang pumunta sa tindahan at bumili ng almusal. Malayo pa lang ako tanaw ko na ang mga taong nagkakagulo. Kaya paglapit ko sa tindahan naki-usyoso na rin ako. Laking gulat ko ng makita ko si Dawal patay. May higit labing limang tama ng itak sa katawan. Tinitigan ko siyang maigi, suot pa ni Dawal yung bigay kong damit. Bago pa yun kaya sakto yun sa kaarawan niya kaya ko binigay. Pero ngayon puno ng dugo at sira sira dahil sa tama ng itak. At mapapansin na kahit pinag-iitak si Dawal halatang hindi ito lumaban o sumalag dahil wala siyang tama sa kamay puro sa katawan lang. At kapansinpansin ang inosenteng ngiti ni Dawal kahit wala ng buhay. Parang nanloloko lang, o parang masaya siyang natagpuan rin ang kamatayan.
Ayon sa imbestigasyon nakipaginuman daw si Dawal kay Julius at sa ama nito kagabi. Nasa kalagitnaan na daw sila ng inuman ng mang-asar itong bakla kay Julius, nainis is Julius at ginulpi si Dawal. Pero hindi natinag ng pangaasar si Dawal sa gulpi lang, alam niya kasing kikita pa siya eh, kaya inasar niya rin ang tatay ni Julius. Sinabi ni Dawal na kaya daw iniwan ang tatay ni Julius ng asawa nito dahil bakla din daw itong tatay ni Julius. Sa inis ng tatay ni Julius kumuha ng itak sa bahay. Ito namang si Dawal hindi pa daw umuwi at hinintay pa si mang Kanor. Pagdating ni mang Kanor pinag-iitak si Dawal, at tumulong na rin si Julius para matuluyan na daw talaga. Sumuko naman sina Julius at mang Kanor, at dahil walang pinagaralan si Dolor pumayag na ito sa areglo na lang. Nagbayad sina mang Kanor ng labingtatlong libong piso rito, at sinagot din nila ang pagpapalibing kay Dawal. Sa huli kumita pa rin si Dawal ngunit hindi naman siya ang nakinabang. Pagkakuha ng pera ni Dolor bumalik na ito sa pier at nagtinda na lang.
Pagkalipas ng isang buwan nanganak rin ang misis ko salamat at malusog ang sanggol. Hindi ko mapigilan ang luha ko ng makita ko ang ngiti ng munti kong anak. Napakainosente ng ngiti nito walang kamuwang-muwang sa mundo. Naalala ko tuloy ang nakakalokong ngiti ni Dawal, parehas sila ng ngiti ng anak ko magkaiba nga lang ng patutunguhan. Kung si Dawal masayang natagpuan ang kamatayan, ang anak ko naman masayang nasilayan ang buhay.
Wakas.

Ito ay ikinuwento ng aking ama noong ako’y bata pa. Aling mang pagkakatulad sa inyong istorya ay maaring kayo nga ang tinutukoy. Paumanhin.
Ang kwentong ito ay hango sa tunay na buhay. Ang mga pangalan ng mga tauhan ay pinalitan para sa ikakabuti ng mga ito.

mabuhay!!!







                              





0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento