"Pag wala kang tulog"

Lunes, Mayo 30, 2011


"Pag wala kang tulog"

Marami na akong naisip na mga bagay-bagay. Yung iba may kabuluhan pero yung iba basta kung anu-ano lang din naman. Hindi ko rin alam kung bakit ako ganito. Basta ang alam ko lang ganito na ko ayon sa kalendaryo ng buhay ko. Marami rin akong pinaniniwalaan pero mas marami ang hindi. At madalas yung pinaniniwalaan ko ayaw ko na ring paniwalaan minsan. Sa ganitong punto pumapasok ang pananaw ko sa ilang mga bagay nakakaapekto sa relihiyon, pulitika, sosyalidad at siyempre hindi natin dapat kalimutan ang pag-ibig. Ang apat na konseptong ito ay siyang sumasaklaw sa isang tao. Siguro para sa akin, ewan ko lang sa inyo. Hindi ko naman pinipilit ang pananaw ko sa iba. Hindi ko yun trabaho at lalong hindi saklaw yun ng pagkatao ko. Kung kaya’t hindi ko na iyon ipapaliwanag mahirap talakayin ang ilang mga bagay hangga’t wala kang konkretong sagot. Malamang tatalunin lang ako ng isang mapagbirong panunuri na binubuo lamang ng tatlong salita. Pagkatapos kong magpaliwanag ng pagkahabahaba ang tanging tanong lang sa iyo ay “tanga ka ba?”.

I am stupid.

Bawat tao ay may sariling pananaw sa ilang bagay at madalas nakakaepekto ito sa kanyang kapaligiran. Depende kung saan siya nagsimula at kung ano ang gusto niyang katapusan. Subalit may ilang taong may simula lang at hindi na iniisip ang katapusan. Madaling isipin na parang mas may kabuluhan ang buhay ng taong nag-iisip ng kanyang katapusan. Yung tipong laging inaalala ang bukas at hinaharap. Yung may pangarap na “pagdating ng araw dapat ganito na ako”. Na laging may bumubulong sa isip para tuparin ang kanyang pangarap. Subalit sa kabilang banda ang mga taong nag-iisip lang ng simula at di naghahangad ng magandang kinabukasan ay laging nakakaranas ng mga problema ng higit sa ibang tao. Mas madalas yakapin sila ng mga pagkakamali. At madaling biktima ng kasamaan sa oras ng kalungkutan. Masasabi kong isa ako sa mga ganitong tao. Ako yung tipo ng tao pinipilit na maging masaya sa kahit anong pagkakataon. Wala akong pakialam sa bukas ang mahalaga lang sakin ay ngayon.

I live my best today so I can die happily tomorrow.

Alam ko ang pakiramdam ng mamamatay na ngayon at hindi na magigising bukas. Ang ngumiti habang pilit tinatago ang luha. Ang mainggit sa mga taong alam mong may kinabukasang naghihintay sa kanila. Ang pigilan ang sariling magmahal upang hindi masaktan. Ang mag-pakita ng kabaitan upang maalala ng iba kung anong ginawa mong kabutihan bago natapos ang iyong buhay. Ang wag magsalita sa loob ng isang lingo dahil ang isip mo ay laging nagdarasal para sa isang araw pa na palugit. Ang makita ang sikat ng araw sa huling pagkakataon. Ang ngumiti sa mga magulang para sa iyong pamamaalam. Pero lahat ng ito ay hindi alam ng mundo. Walang pakialam ang mundo sa isang tao at sa nararamdaman nito. At kung pakiramdam mo nadarama mo rin itong mga sinabi ko. Pare anim na salita lang ang masasabi ko “Hindi matatapos ang mundo pagtapos mo.” Marami pang mga bagay na maaring gawin. Hindi natatapos ang laban hangga’t di ka pa sumusuko. Kapag alam mong bumibigat na ang labanan at parang paulit-ulit na lang ang buhay. At madalas ka pang tamaan sa iyong kahinaan. Pwede kang sumigaw na ikaw ay marunong masaktan, at umiyak paminsan-minsan. Ang pagluha ay isa ring kapangyarihan upang magpatuloy sa paglaban. Hindi mo dapat isipin kung hanggang saan ka lang o isa kang talunan, dahil ang buhay ay hindi paligsahan. At kung iniisip mong ang buhay ay isang laro wag kang matakot mabigo. Dahil manalo man o matalo, kampi tayo. At tandaan mo na lahat ng bagay ay napaghahatian. Kaya’t wag mong sarilinin ang kalungkutan, pare hati-hati tayo diyan kaya’t mamahagi ka naman.

I cover myself with tears so that they can never make me cry.

Hindi ko alam ang kaligayahan ng dulot ng maraming natamong karangalan sa buhay. Yung kilala ng marami at may naipundar na pangalan. Gusto ko rin sana maramdaman ang dulot nun. Kaso masyado na kong nilipasan ng pagkakataon. Ang pagkabigo at mga kamalian ay parang buwanang dalaw na lang sa aking buhay. Sa dami nun hindi ko na mabilang. Kaya nga’t pinilit ko na lang maging makakalimutin paminsan-minsan. Sa isang banda isang beses lang naman sa isang buwan. Naalala ko minsan nung bago pa ako naging makakalimutin. Sinubukan ko ding makipagtagisan ng galing. Yung ipakita sa iba yung kaya kong marating. At ipabatid sa mundo na nalalapit na ang aking pagdating. Subalit habang tumatagal maraming bagay akong kinalimutan. Dahil naging biktima ako maling ng pagkakataon. Bunga nito kinailangan kong ipagpalit ang ilang mga bagay sa aking katauhan. Pinagpalit ko ang katalinuhan sa kabutihan. Ang katapangan sa pakikipagkapwa. Ang pagiging tama sa pagiging mali. Ang pagiging matuwid sa pagiging masama. Naging mahirap ang proseso ng pagpapalit. Ilang taong din akong parang naglalakad sa panaginip ng walang hanggang hapis. Hindi ko alam kung bakit ako napunta sa ganitong sitwasyon. Sawa na rin akong magtanong sa sarili ko nang “Bakit ako?”. Kung kapalaran ko ang kalungkutan, susulitin ko to hanggang sa katapusan. Kahit pa nga hindi ako naniniwala sa kapalaran.

I never fail to fail myself.

Kaya lumipas ang maraming taon sa aking buhay. Hindi ko alam kung taon nga ang lumilipas o mga alaala. Pero gusto kong isipin na alaala lang ang lumilipas at hindi taon. Hindi kasi ako naniniwala sa oras, para sa akin ilusyon lang yun. Taon kasi ang sukatan ng sosyalidad kung gaano na kalayo ang narating ng isang tao. Na pagkatapos ba ng isang taon magiging matagumpay ka ba sa pinili mong karera. Oo karera, at ang layo ng iyong narating ay susukatin katumbas ng oras na iyong itinakbo. Isang buhay kada isang taon “Lifeyears” edad o katandaan. Pero walang salitang “Lifeyears” imbento ko lang yun. Sinusukat ang buhay kada isang taong na dumadagdag sa iyong buhay o pagtanda “age” sa ingles na ang yunit ay “years old”. Yun siguro ang tamang eksplinasyon dun. At pinapakita na taun-taon tayong tumatanda. At kalakip ng iyong pagtanda ay ang iyong narating. Samakatuwid kung aalisin natin ang oras mawawala ng kahalagahan kung anong dapat mong marating. Oras kasi ang basehan kung gaano kagaling ang isang tao. Kung nakagawa ka ng lumilipad na sapatos sa loob ng isang araw kikilalaning kang henyo ng buong mundo. Astig ka at pupurihin kang kauna-unahang taong may pinakamalayong narating sa pinakamabilis na oras ng buhay mo. Tapos na agad ang karera kahit hindi ka pa nagsisimula. Ang mga taong may ganitong kakayahan ay malamang masyadong natatakot sa kung anong mararating niya sa buhay. Mga taong may kakayahang baguhin ang mundo sa isang kisap mata. Na wala ng mahalaga sa pagtanda kung hindi kung anong narating mo sa buhay. Sila yung mga taong nililipasan ng taon at hindi alaala. At malamang sa siguro hindi ako yun.“Lifeyears” kasi ang yunit ng aking buhay. Kung iniisip mong taun-taon nadagdaganang buhay ko. Pwedeng oo o pwede ring hindi. Wala akong pakialam sa oras dahil hindi nito kayang saklawin ang imahinasyon ko. Saka kung susukatin ko ang buhay ko base sakanilang sukatan, baka matagal na akong inatake sa puso sa pag-aalala. Dahil sa edad kong ito ang pinakamalayong narating lang ng buhay ko, ay ang maging “most behave” nung grade 1.

I am 100+lifeyears.

may karugtong.

mabuhay!!!

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento