“Groto”

Lunes, Mayo 23, 2011


“Groto”
Taun-taon daan daang mga kabataan ang nagpupunta sa groto. Ang iba ay namamanata ang iba naman nakikisali lang. Isa ako sa mga kabataang yaon, at ako’y napapabilang sa mga nakikisali lang dahil sa isang banda hindi ko naman alam ang kahulugan ng panata.
Ala-siyete ng gabi ng magyaya ang isa kong kaibigan para pumunta sa groto. Ito ay sa bandang bulakan papuntang lagro. Hindi ko alam kung anong tumama sa utak nila pero sumama na lang din ako. Alam ko din namang hindi ang tipo ng mga kaibigan ko ang mga namamata taun-taon tuwing mahal na araw. Trip lang ito at alam kong minsan lang. Kanina pa nga noong maliwanag pa nangaasar pa kami ng mga pumupunta doon, dahil sa isip namin pagod at sakit ng katawan lang ang mapapala mo doon. Pero heto kami ngayon naglalakad kasama ng daan-daang kabataan sa kalsada papuntang groto. Sana lang may makilala kaming chics na maganda ng maging sulit naman tong kalokohan namin.
Huwebes santo eksatong alas otso ng gabi nasa lagro na kami at naglalakad pa groto. Maraming kabataan kaming kasabay grupo grupo sila at mukhang masasaya, kaming apat naman ay mukhang tambay lang na napadaan sa kalsada. Grupo rin kami yun nga lang simula pa lang hindi na kami masaya. Sa aming apat ako (boy, 14) ang pinakabata, sunod si choy (16), tapos si dong (19) tapos si king (21). At kahit magkakalayo ang aming edad magkakasundo pa rin kami lalo kapag hindi kami naguusap.  Nakakailang kanto pa lang kami ng nagyaya ng magpahinga si choy. Siya kasi ang pinakamalaki sa amin kaya ang bilis mapagod. Sakto naman sa pinagpahingahan namin may namimigay ng pandesal na may palaman na peanut butter at ice water para panulak. Pero malamang malayo pa lang alam na ni choy na may bigayan ng pagkain kaya ito nagyayang magpahinga, kaya pumila agad kaming apat at ng matapos tig-dadalawa kaming tatlo at si choy naman apat. Hindi ko alam kung paano niya nagawa makakuha ng apat, “baka siguro dumadami siya kaya ganun”. Pagkatapos kumain ng libre lakad na naman ulit. Wala kaming pakialam sa ibang tao ang nais lang namin makarating na agad sa groto ng matapos na agad tong kalokohan na to. Ang bilis ng lakad naming apat at parang mas nag-eenjoy kami kapag marami kaming nauunahan. Pakiramdam namin karerahan ang pagpunta sa groto. Kaya hayun sige lakad takbo ang banat namin.
Halos malapit na kami sa groto pagkatapos ng ilang oras na lakaran ng biglang may humarang sa amin. Unang hinarang si choy at biglang kinapkapan hinahanapan ng kargada na dala dala. Napatigil kami naisip ko patay kami. Alam kong may dalang kargada si choy isang pana na may tatlong bala ng sima, nakaipit sa may pwetan niya pero binalot niya sa damit. Ang nakakatuwa lang ay hindi napansin ng kumakapkap na may pana sa loob ng damit na nakaipit sa pwetan ni choy. Abswelto agad ito sa kapkapkapan “swerte talaga nitong si tukmol” naisip ko.
Pagtapos ni choy sumunod si dong wala namang makukuha rito dahil wala itong dala. Naniniwala kasi ito na sapat na ang kamao niyang kargada, malaki kasi ang katawan nito at bato-bato pa. Ang sumunod ay si king, siyempre pagkapa pa lang sa bewang niya huli agad. Isabit ba naman niya ang isang ruler na icepick sa kanyang puwetan ng walang balot. Ang tanga naman ng pulis kung hindi niya ito makapkap. Para lang kasing pupunta sa riot ang porma kaya huli agad.
Akala ko nga tatakbo ito, kaso parang napapaligiran na talaga kami ng mga tanod at pulis ng mga oras na yun. Magugulpi lang siya kung tatakas pa. Napansin rin niya siguro ang sitwasyon naming apat na sukol na. Tumitig pa ito sa akin sandali bago nagpakapkap kala ko tatakbo na, buti na lang hindi. Ang bagal ko pa namang tumakbo, gulpi talaga ako pagnagkataon.
Dinala agad si king pagkakuha ng icepick sa kanya, ipinalo pa ito sa ulo niya pagkakita sa haba nito. Pagtapos ni king kapkapan isinunod naman ako ng isang tanod. Wala namang makukuha sakin dahil ang kargada ko lang ay singkwenta pesos na pamasahe.
Dinala sa loob station si king at kaming tatlo naman ay naghintay sa labas. Si choy naman ay pasimpleng iniwan yung pana niya sa madilim at liblib na lugar para iwas sa huli, tapos bumalik din samin.
Ang daming nahuling mga kabataang may dalang kargada, iba-iba ang dala dala nila pero karaniwan mga uri ng kutsilyo. Nakakita pa ko ng dati kong kaklase nung elementary, nahuli din ito. Wala pa nga itong tsinelas ng nahuli at hinihintay siya ng mga tropa niyang puro wala ring tsinelas. Naisip ko yun ang trip, ay panata pala.
Tapos napansin ko ang iba pang nahuling kabataan, halos mga kasing-edad ko lang din.  At nakakatawa kasi halos lahat ng kabataang nahuhuli ng pulis ay umiiyak na, at nagpapalahaw ng mama ko, mama ko. Pero yung dati kong kaklase at si king pangitingiti lang. Nanigarilyo pa nga ito sa loob ng station, binilhan ko ito at pasimpleng inabot sa loob. Hindi naman ako sinita ng pulis nung pumasok ako o hindi lang nila ako napansin.
Pagtapos ng isang oras na paghihintay at pananakot kina king at sa kaklase ko, napagkasunduan na aregluhin na lang ang kaso nila para hindi na sila makulong. Kaso ang problema lang dalawang daan piso ang hinihingi ng pulis kada isa sa kanila. Sinabi ito ni king sa amin pero ang problema isang daan at beinte pesos lang ang pera naming lahat. Kasama na doon ang kargada kong singkwenta pesos.
Lumipas ang tatlumpong minuto nakalaya na rin ang kaklase ko dati, tinawanan pa ko ng magkita kami. Tapos dumiretso na sila sa groto. Si king naman naghintay pa ng isang oras bago nakalaya at pumayag na rin sa piyansa naming isang daan at beinte pesos. Dahil wala na kaming pera naisip kong umuwi na lang pero sabi ni king tumuloy na lang din daw kami dahil sayang naman kung uuwi na kami agad kasi malapit na rin daw. Kaya tumuloy nga kaming apat sa groto.
Habang naglalakad madami pa kaming nadaanan na kapkapan buti na lang iniwan na ni choy yung pana niya sa liblib na lugar, babalikan na lang daw niya mamaya paguuwi na.
Pagkarating namin sa groto kung kanina daan-daan kaming naglalakad sa kalsada ngayong libu-libo na kaming nakapila. Ang bagal ng usad namin buti na lang mabilis kaming sumingit at nakakauna pa rin kahit papaano. Medyo nanakit na ang paa ko kakalakad ng huminto kami sa may bandang munting bundok-bundukan. Naghanap agad si king ng diyaryo na mahihigaan, pero dahil sa sobrang daming dumadaan ang posibilidad na makahanap ng diyaryo sa pagkakataon na yun ay 0-10%. Kung kaya nagdesisyon na kaming bumili pero wala kaming pera, “wow wrong move”.
Maraming nagtitindang lumang diyaryo na umiikot din sa groto. Parang yun na ang uso dun, ang humiga sa diyaryo kaya masyadong mataas ang demand at maraming nagtitinda.
 Nagtumpok kaming apat, parang kailangan naming mag-brainstorming muna kasi may mabigat kaming problema. Siyempre diyaryo pa rin ang paguusapan, pero bago kami magsalita humiga na si choy sa diyaryo niya. “Badtrip talaga to si tukmol, paano kaya nakakuha ng diyaryo to” naisip ko, pangisi-nigisi pa ito samin. “Kung hindi ko lang nabayad yung kargada kong singkwenta pesos may diyaryo din sana ako” bulong ko sa sarili.
Lumapit na ang nagtitinda ng diyaryo samin parang nabasa niya ang aming probema. Feeling ko may nagsulat na ng sign board samin, at ang nakasulat “mga walang diyaryo” pero ang hindi nila nabasa eh yung sign na “mga walang pera”.
Umupo na ko sa tsinelas ko dahil pakiramdam ko tanggap ko na, na hindi ako hihiga ng biglang naglabas ng pera si choy at bumili ng diyaryo. May beinte pesos pa pala itong si tukmolb, buwisit ginawa pa kaming kawawa muna. Pero ayos din at least may diyaryo na kami.
Pumuwesto na ako agad at naglatag na ng makahiga. Tumabi na lang ako kay choy tapos sa kaliwa ko si dong at sa dulo si king. Maliit yung diyaryo kaya para akong fetus na humiga. Si choy naman parang haring humilata, kahit siguro hindi na siya magdiyaryo parang okay lang eh.
Madami pa ring nagdadaan sa paanan namin, at madalas ang tapakan ng paa. Isang beses natapakan yung paa ni king, “aray ko paa naman yan”, wika nito sa dalagang nakatapak sa kanya. Sa gulat ng dalaga itinutok yung flashlight sa paa ni king at tiningnan, pagkatapos nagwika ng “paa pa ba yan?” Tawa ako ng tawa, pero sa layo talaga ng nilakad namin yung paa mo magiging kulay lupa na rin.
Pinagmamasdan ko ang mga bituin sa langit ng marinig ang sigaw ni choy sa buong paligid, nabingi naman ako sa sigaw niyang “Aray!!! Tang-ina naman mukha naman yan”. Tawanan ang lahat ng nakarinig, lalo na ng bumanat yung babae ng “ay sorry po akala ko bato”. Gigil na gigil si choy pero kumalma din agad ng makitang babae ang nakatapak sa kanya. Hindi pa rin matigil ang tawanan sa buong paligid lalo na kaming tatlo maliban kay choy, tahimik lang ito habang naglilinis ng mukha.
Tinuloy ko ang pagtanaw sa bituin, “ang dami nila ngayon kumpulan” naisip ko. Alas dos na kasi ng madaling araw kaya siguro ganun. Mamayang alas tres lalakad na naman kaming pauwi at sigurong hindi ko naman mararamdaman ang paa ko sa sakit. Nagmumuni-muni ako hanggang makaidlip, nagulat na lang ako ng gisingin ni dong na aalis na daw kami. Nagngitian lang kami “alam na” naisip ko “battle mode”.
Konti na lang ang mga naglalakad papunta sa groto na nasasalubong namin. Wala na ring yung kapkapan at ang nakakalungkot kahit maraming dyip na sasakyang pauwi, wala naman kaming pamasahe. Kaya ang plano naming apat pupunta muna ng Fairview sa may tita ni king at mangungutang ng pamasahe. “Okay na sana best plan of the year” naisip ko. May konting hassle lang dahil kung simula lagro kanina ay halos maging lupa yung paa namin, yung hanggang Fairview pa kaya. Malamang kapag nakarating ako sa bahay naka-wheelchair na ko (exagge).
Dinaanan na ni choy yung pana niya kung saan niya tinago, good to go na kaming apat. Lakad takbo na naman kami at kahit wala na kaming kasabay para pa rin kaming nakikipagkarera ng lakaran.
Pagkatapos ng ilang kilometro nakaisip si choy sumabit sa dumadaang truck ng gasolina. Takbo kami nung sumenyas si choy ng angkas sa driver, pumayag naman ito yung nga lang kailangan naming humabol sa takbo nung truck. Ang bilis ni choy at nakasabit agad sa truck “may dugong olympian yata tong si tukmol kaya ang bilis tumakbo eh”.
Pagkatapos ni choy nakasabit na rin si dong, kami na lang ni king ang hindi pa. Sa tantya ni king aabot siya sa truck pero kailangan niya pang lumundag at isapalaran ang kanyang kaligtasan. Siyempre huli na naman ako, kahit yata magtatalon ako habang tumatakbo hindi ko aabutin yung truck. Hindi naman kasi nagmenor yung truck pano ako aabot, sisihin ko pa sana ang buong mundo dahil hindi ko maabot yung truck at malamang maiwan akong nagiisang naglalakad sa madilim na lugar na ito. Teka nga lang anong lugar na ba to? Isipin ko pa lang natatakot na ako. Nasa malalim akong paglalakbay ng utak ng makita kong tumalon si dong sa truck at nagpaiwan. Si king naman ay hindi na tumalon para humabol ng makitang bumaba na si dong. Si choy parang hindi bababa, pero napilitan na ring tumalon. Halos isang kanto pa yata bago nakababa si choy at pagulong-gulong nung bumagsak. Badtrip ito sa amin, lalo na sa akin dahil alam niyang ako ang dahilan kung bakit hindi kami nakasabit lahat. Nakakahiya mang aminin kahit ako ang pinakamatangkad sa aming apat ako pa ang may “katawang masigla”. “Kung bakit kasi hindi pa uso ang bibbo hotdog nung bata ako” naisip ko. Pero nakakatawa habang nagpaparinig si choy sa akin, napansin niyang nakahawak siya ng tae ng aso nung tumalon siya sa truck. Badtrip si tukmol lalo, tawa na naman kaming tatlo.
Maliwanag na ng makarating kami sa lagro, at dahil wala ng mga pumupunta wala kaming natsambahang libreng pagkain na ipinamimigay, “kapag minamalas ka nga naman”.  At ng mga oras na iyon pagod na pagod na ako, kaya ng makakita ako ng kahoy kinuha ko agad at ginawa ko ng tungkod. Nainggit naman si choy at inagaw sa akin, aalag sana ako kaso masyado siyang malaki at feeling ko mas pagod na siya talaga. Dahil kung kanina nakakapagdada pa ito ng reklamo ngayon sobrang tahimik na at konting parinig na lang. Gutom na gutom na rin kami, buti na lang dumaan kami ng subdivision sa may Fairview sakto maraming puno ng prutas at nagnakaw muna kami. Oo nakaw talaga dahil hindi mo naman pwede hingiin yung nasa loob ng bakuran nila. Solve ang gutom namin sa makopa, ang sarap dahil ang lamig pa dahil sa hamog ng umaga. Kahit hindi na hinugasan katalo na yan may makain lang.
Habang kumakain at naglalakad sa subdivision dinaanan namin ang bahay ng mga artista. Hindi ko naman binigyan ng pansin basta kain lang ako. Basta ang mahalaga sa ngayon ay magkalaman ang tiyan kong nagwewelga na sa gutom.
At pagkatapos ng limang oras na lakad nakarating din kami sa bahay ng tita ni king, kumuha lang talaga kami ng pamasahe at umalis na agad. Di nga kami tumagal ng sampung minuto at lumarga na kami. Saktong alas nuebe pasado nasa bahay na ako, at hinanap ang mahal kong unan at niyakap ito at hinalikan hanggang makatulog. Pagdating ng hapon paggising ko, parang inaapoy sa lagnat ang katawan ko sa sakit nito. Alam kong ganun din sila dahil pagkatapos pa ng ilang araw bago kami muling nagkitakita.
At dahil sa experience naming yun, kung itatanong niyo kung umulit pa kami. Siyempre naman hindi na, kinalimutan ko na ngang nangyari yun. Pero nakapunta pa ako ulit sa groto pero hindi ko na kasama sina king at choy. Si dong na lang at iba pang mga kaibigan. Bakit?
Si king kasi nung pagkagraduate ko ng vocational course ay minalas na masabit sa holdapan at pinagsasaksak. Tatlo ang tama nito dalawa sa dibdib at isa sa kili-kili. Sabi ng mga nakakita nakaparada daw si king at ang tricycle nito sa pila ng may humingi daw ng tulong rito na taga-amin dahil naholdap daw sila. Kaya itong si king nagmagandang loob namang tumulong kasama ang isa pang driver na kasamahan nito.
Nang makarating sila doon, sakto na nandoon pa ang dalawang holdaper ang problema nga lang may mga patalim ito. Lumapit si king sa isa sa holdaper para hulihin kaso paglapit pa lang ni king pinagsasaksak na ito. Ganun din ang nangyari sa isa pang driver na kasama ni king. Nakapagtataka lang kasi yung humingi ng tulong ay hindi naman inano. Nakasigaw pa si king para abisuhan ang mga kasama nila na tumakbo na dahil, may kargada nga ang mga holdaper nung masaksak siya.
Umabot pa si king sa ospital yun nga lang ilang minuto lang din ang tinagal nito at pumanaw na, sakto lang para makausap sa huling pagkakataon ang kanyang ina. Lumuha pa daw si king bago ito namatay.
Nang gabing namatay si king gininaw ako ng malamig na parang may nakayap na yelo sa aking katawan, hindi naman ako makabangon. Yun ang unang beses kong naramdaman yun akala ko hindi na mauulit pero nagkamali ako.
Nagaral ako ulit ng kolehiyo dahil pakiramdam ko walang asenso kung vocational graduate lang ako. Third year college na ko ng mangyari ulit ang pakiramdam ng mamatay si king, pero nung nangyari yun nagising na ako. Dinig ko pa ang malakas na alulong ng aso sa apartment na tinitirhan ko.
Kinaumagahan alam ko ng may nangyaring masama, pero hindi naman ako makauwi sa bahay namin dahil kailangan kong magaral. Kaya lumipas ang ilang araw nabalitaan ko na lang na si choy ay sinalvage daw. Nakagapos ang kamay nito ng alambre at sunog ang katawan dahil sa kuryente at sa kanyang leeg ay may nakasabit na “Bukas kotse ako wag niyo kong tularan”.
Ayon sa usap-usapan meron daw na nanakawan si choy na kotse na koronel ang may-ari at miyembro ng sindikato. Nakuha daw ni choy ang blue book kung saan nakasulat lahat ng transaksyon ng sindikatong nabanggit. Kaya nung nalaman na nasa kanila hinahanap daw ito kay choy, pero hindi naman alam ni choy kung saan nailagay. Kaya ang ginawa ng sindikato sinet-up na lang si choy. Nagsama pa si choy ng isa pang kasama para sa nanakawan nila, pero ang hindi nila alam yun na ang huling nakaw nila. Kunwari kasi nagsabi yung pulis ng kotseng nanakawan pero bago pa sila makapagnakaw dinampot na ang mga ito.
Kung tutuusin mas kawawa ang kasama ni choy dahil mas matindi ang torture na inabot nito. Parang ginawang pantakot muna kay choy yung kasama niya rito para ilabas na ang blue book na hinahanap. Basag ang bungo nito at pasa ang mukha dahil sa pukpok ng baril. Tuklap na ang mga kuko dahil sa matinding kuryente, sunog din ang ari nito dahil sa kuryente. Sabi raw dun daw sa ari kinabit yung wire ng kuryente kaya mas sunog ito.
Sabi ng mga nakainuman ko “palit ulo” daw ang tawag nila dito. Ito yung kukuha ang mga may kapangyarihan ng mga taong galing sa piitan na ang sentensya ay habang buhay. Itong mga bilanggong ito ang magtotorture sa mga nahuling kriminal upang mapaamin at patayin rin pagkatapos. At kaya naman ginagawa ng mga bilanggo ang iutos sa kanila ay para magkaroon ng maayos na pamumuhay sa loob ng piitan.
Sa ngayon sarado na ang groto o hindi na yata ito uso, sa antipolo na lang kasi pumupunta ang mga kabataan tuwing mahal na araw. Ang sabi pa binili na raw ang groto ng non-catholic Christian organization.

Ang kwentong ito ay para sa alaala ng aking mga namayapang kaibigan. Salamat sa inyong kabutihan. Paumanhin kung hindi ko naikwento ng tama hanggang dito lang kasi ang abot ng aking mga letra.
“Ang pinakamasarap na pakiramdam ay iyong pakitaan ka ng kabutihan ng taong alam mong may di mabuting kalooban. Hindi dahil kung ano ka kundi dahil gusto nila. Hindi dahil mahalaga ka kundi dahil kung ano sila”

Mabuhay!!!

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento